Exodus 18:13-27

Pumili si Moises ng mga Hukom

(Deu. 1:9-18)

13Kinaumagahan, naupo si Moises bilang hukom para dinggin ang mga kaso ng mga tao. Nakapila ang mga tao sa harapan niya mula umaga hanggang gabi. 14Nang makita ito ni Jetro, sinabi niya kay Moises, “Bakit ginagawa mo ito para sa mga tao? At bakit mag-isa mo itong ginagawa? Pumipila sa iyo ang mga tao mula umaga hanggang gabi.”

15Sumagot si Moises, “Ginagawa ko po ito dahil lumalapit ang mga tao sa akin para malaman ang kalooban ng Dios. 16Kung may pagtatalo ang mga tao, dinadala nila ito sa akin, at ako ang nagdedesisyon kung sino sa kanila ang tama. At tinuturuan ko sila ng mga tuntunin at utos ng Dios.”

17Sinabi ni Jetro, “Hindi tama ang pamamaraan mong ito. 18Pinapahirapan mo lang ang sarili mo at ang mga taong ito. Napakahirap nito kung ikaw lang. 19Makinig ka sa akin at papayuhan kita, at sanaʼy samahan ka ng Dios. Ipagpatuloy mo ang ginagawa mong paglapit sa Dios para sa mga tao. Dalhin mo ang mga kaso nila sa kanya. 20Ipagpatuloy mo rin ang pagtuturo mo sa kanila ng mga tuntunin at utos ng Dios. Turuan mo sila kung paano mamuhay at kung ano ang gagawin nila. 21Pero pumili ka ng mga taong tutulong sa iyo. Dapat mayroon silang kakayahan sa paghuhukom, may takot sa Dios, mapagkakatiwalaan, at hindi tumatanggap ng suhol. Gawin mo silang mga hukom ng grupo na binubuo ng 1,000, 100, 50 at 10 tao. 22Maglilingkod sila bilang mga hukom sa lahat ng oras. Sila ang magpapasya sa simpleng mga kaso, pero dadalhin nila sa iyo ang mabibigat na kaso. Sa ganitong paraan, mapapagaan ang trabaho mo dahil matutulungan ka nila. 23Alam kong ito ang gusto ng Dios na gawin mo, at kung susundin mo ito, hindi ka na mahihirapan. At makakauwi ang mga taong ito nang mapayapa.”

24Sinunod ni Moises ang ipinayo sa kanya ng kanyang biyenan. 25Pumili siya sa mga Israelita ng mga taong may kakayahan sa paghuhukom, at ginawa niya silang mga hukom ng grupo na binubuo ng 1,000, 100, 50 at 10 tao. 26Naglingkod sila bilang mga palagiang hukom ng mga tao. Sila ang nagpapasya sa mga simpleng kaso, pero kapag mabigat, dinadala nila ito kay Moises.

27Pagkatapos noon, pinayagan ni Moises ang kanyang biyenan na umuwi at bumalik sa sariling bayan.

Copyright information for TglASD